Pagsapit ng Bukang Liwayway

     "Pagkatapos ng isang madilim at di malilimutang gabi sa buhay nating dalawa. Heto na, parating na ang araw na magsisilbing liwanag sa ating daang tatahakin. Sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdaanan natin, nandito pa din ako sa tabi mo. Palaging nakangiti, palaging naka-alalay, hindi binibitawan ang kamay mo. Titingin sa'yong mga mata sabay sasambitin ang mga salitang, 'Kaya natin to. Hindi kita pababayaan'. "

     Mga katagang hindi malilimutan. Sa tuwing gigising sa umaga't muling haharap sa pag-subok ng buhay, alam kong ikaw lagi ang naka-alalay. Palagi akong inaalagaan, hindi pinapabayaan. Kaya kahit hindi na kita nakikita, ramdam ko pa din ang iyong walang humpay na kalinga. Hindi mo hinahayaan na malimutan ko ang mga simpleng bagay na tinuring na nating mahalaga para sa isa't isa. Ramdam ko pa din ang pag-mamahal mo kahit na hindi ko na maramdaman ang mga yakap mo. Naririnig ko pa din ang boses mong bumabati sa akin pag-sapit ng bukang liwayway kahit wala ka na sa tabi ko. Alam kong kaya kong harapin ang kinabukasan dahil alam kong hanggang sa huling sandali ng buhay mo, naniwala kang kaya ko. Nang dahil sayo, natuto akong mag-tiwala sa sarili ko. Salamat sayo, mahal ko.

Comments