Gong Xi Fa Cai (Chinese New Year Special)

Bakit ganon?
Panay tukso sa akin ng barkada ko na  hindi ako makakita dahil singkit ako, 
Pero pag-dating sayo...
Biglang lumilinaw ang lahat?
Madalas ko napapansin ang bawat haplos mo sa'yong buhok,
Mga ngiti mo sa tuwing tinatawag ka ng mga kaibigan mo sa pangalan mo,
Ang iyong pag-titig sa kalangitan sa tuwing nag-iisip ka.
Malinaw ang lahat sa mga mata ko.

At sa tuwing nakikita ka,
Hindi ko maiwasan ang bugso ng damdamin ko.
Gustong isigaw ng puso ko ang pangalan mo ng malakas 
Para marinig ng buong mundo.
Gustong mag-lakad ng mga paa ko patungo sayo para mag-pakilala sayo
Gusto kang yapusin ng mga braso ko
Upang iparamdam sayo na nandito lang ako...
May pag-tingin sayo.

Pero mayroong pangamba.
Natatakot ako na baka hindi mo pansinin.
Natatakot na baka hilingin mong hindi kita kausapin 
Pero paano mo malalaman kung hindi ko sasabihin?
Kailan pa? Hanggang kailan ako mag-titiis na naka tingin lang sa malayo...
Nag-tatalo ang puso at ang mga takot ko.
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin.
Masaya ako sa nakikita kita sa malayo.
Pero alam ko mas magiging masaya ako
Kapag katabi mo na ako.

At dahil dito, dumiskarte ako sayo.
Inayos ko ang sarili ko para mapansin mo ako.
Nag-pakilala ako sayo, bilang si Gong Yoo.
Oo, si Gong Yoo. 
Hindi naman malayo itsura ko sa kanya di ba?
Joke lang. Masaya lang talaga ako kapag napapatawa kita.
Segu-segundo, minu-minuto,
Sa mga oras, araw, linggo, at mga buwang lumilipas na kasama ka,
Ang puso ko, lalong sumasaya. 

Sa bawat sandaling kasama kita,
Hindi ko matatawaran ang saya at kilig na aking nadarama.
Napapawi ang lahat ng problema
Wala na ako ibang maramdaman kun'di ligaya.
Pero kahit na ako ay sobrang saya, kaya pa rin kita makita.
Oo, joke yun. Pwede ka na tumawa.

Pero heto seryoso na ako,
Gusto kita dalhin sa bundok Makiling.
Kung saan ko pwede ipakita sayo 
Na sa bawat hakbang natin pataas ng bundok,
Sumisimbolo ito sa mga takot
Na nakayanan kong lampasan para maging malapit sayo.
Kung saan pwede ko ipakita sayo ang magandang tanawin sa itaas
Na sumisimbolo sa mga nagsitayugan kong mga pangarap
Simula nung una kitang makita at makilala.
Hindi naman talaga ako romantiko,
Pero sa tuwing nasusulyapan na kita
Hindi na tumitigil ang isip at puso
Sa pag-tuklas ng mga "Paano kung magiging tayo"

Kaya nga ngayong araw na to,
Sobrang espesyal 'to sa akin.
Di lang dahil ito ang araw na parati kami nag-didiwang,
Kundi dahil ito na yung araw
Na aaminin ko na sayo ang lahat.
Ang lahat-lahat ng nararamdaman ko...
Sa loob ng mahabang panahong pinapanood lang kita,
Hanggang sa maraming pag-kakataong lagi na kita kasama
Salamat sa lahat ng kabutihang pinakita mo sa akin.
Salamat dahil pumayag ka maging bahagi na ako ng buhay mo
Kahit na simpleng kaibigan lang ako sa paningin mo.

Hindi. Hindi ako basta babati lang sayo ng
Gong Xi Fa Cai o kaya ng Kung Hei Fat Choi.
May mas importante pa akong kailangan ihayag sayo
Tungkol sa akin. Tungkol sa ating dalawa.
Alam ko naman ang sasabihin mo sa akin eh,
"Ano ka ba? Ang drama mo na naman. Tama na nga yan!"
Pero hindi ko na talaga kaya pang tiisin ito.
Nung una pa lang kita makita, naramdaman kong ikaw na nga.
Ikaw yung alam 'kong kukumpleto sa pag-katao ko.
Ikaw lang yung kaya mag-paramdam sa akin na
Hindi ko naman talaga kailangang mag-panggap bilang si Gong Yoo para mapansin mo ko.

Matagal ko na talaga 'to gusto sabihin sayo.
Kaya heto na,
Sasabihin ko na.
Mahal kita.
Mahal kita, noon pa.
Mahal kita, pwede ba maging tayong dalawa?

Comments